Friday, November 11, 2005

Manalig kesa matakot

Manalig kesa matakot

by Bella Angeles Abangan


My mind is torn by questions deep,
But while I rest my Father takes,
And mends my weary soul with sleep.
Noong tumakbo na ang mag-ama pagka’t parating na ang lahar sa kanilang pook ay nagtanong ang ama sa anak:
"Natatakot ka ba, Allan?"
"Hindi po kasi nakakapit po ako sa inyo."

Iyan ang tugon ng limang taong gulang na anak. Hindi siya makarga pagka’t dalawang kapatid niyang maliliit ang kilik sa magkabila ng ama. At dala ng ina ay balutan ng mga damit at pagkain.
Hindi tayo dapat matakot sa anumang problemang dumating sa ating buhay kung nakahawak tayo sa Panginoon.
"Mahal, hindi ka ba natatakot na wala ako sa piling ninyong mag-iina sa pagtungo ko sa Dubai?"
"Ano ‘Ling ang ikatatakot ko? Nasa atin naman ang Diyos. Nakaugnay tayo lagi sa Kanya."
Narito ang maikling kasabihan:
Fear knocked on the door.
Faith answered,
"No one is here."
Ganyan kalakas ang pananalig. Biglang nawala ang takot sa puso nang buksan siya ng pananalig.
Narito ang isang tanawin noong February 1945. Naroon ang mag-anak na Torres sa tabi ng dagat sa Bataan. Ang kanilang gamit ay nakabalot sa kumot. Naroon lahat ang mga dala nilang mangga.
Kumalat sa Bataan ang balita na darating ang mga Hapon para sa ikalawang sona. At lalo raw silang mabagsik kaysa noong una. Ang pinatay nila noon ay may 46 biktima na pinagbintangang mga gerilya.
Madaling-araw noon. Naroon ang takot sa puso ng ina. Nakita nila sa malayo ang huling bangkang aalis na punung-puno rin ng mga tao.
"Hindi na yata tayo makakaalis. Hindi ka ba natatakot?" Iyan ang tanong ng babae sa kanyang asawa.
"Anong ikatatakot ko? Iniligtas ng Diyos sina Jasmin at Ernie sa tiyak na kamatayan sa unang sona. Ililigtas Niya rin tayo."
Maya-maya ay lumapit ang bangkero ng paalis na bangka at nagsabi:
"Tiyo Lito halina kayo, maisisingit namin kayo at ang tatlo ninyong mga anak. Huwag na lamang ninyong dalhin ang mga balutan ninyo, sa ilalim ng puno na lang ninyo muna ilagay."
Noong nasa gitna na sila ng dagat pagkatapos ng ilang oras na paglalayag ay nakita nila naglalagablab ang Kamaynilaan. Ito ang bulong ng ama sa sarili na kalung-kalong ang bunsong si Ernie:
"Salamat Panginoon matatapos na rin ang giyerang ito. Salamat sa mga biyaya Ninyo."
Ang ama lamang ang nakakaalam ng mga biyayang iyon. Umiiyak ang batang puso ng bunso noon. Isa sa mga balutan na nasa ilalim ng puno ay ang album ng kanilang pamilya at ang kanyang luma at pinakaiingatang manika na si Dolly.
Ngayon niya natuklasan na walang halaga ang mga materyal na bagay. Ang importante ay buhay at ang kanilang kaluluwa.
Huwag nating paiiralin ang takot sa ating puso, basta manalig lang tayo sa Kanya. ‘Di niya tayo pababayaan sa oras na takot tayo.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home